jong.i.ph

nag-uulat

Wednesday, October 27, 2010

Bata pa lang ako ay gusto ko na ang maging isang reporter.  Ngunit dahil sa hindi inaasahang pagkakataon ay napunta ako sa kursong engineering.  Sa katunayan, pagkatapos ng unang semester ko sa kolehiyo ay nagbalak ako na mag-shift sa mass communication major in broadcasting.  Ewan ko pero mukhang hindi ako nakatadhanang mapunta doon.

Eto rin marahil ang dahilan kung bakit ako addict sa panonood ng mga news and current affairs program sa telebisyon.  Minsan inaabot pa ako ng lampas hatinggabi para lang mapanood ang mga ganitong palabas.  Isa pang indikasyon marahil ay ang mabilis na pagkilala ko sa mga news personalities hindi lang sa local channel kundi pati na rin sa mga international news tulad ng CNN, BBC at Al Jazeera.  May ilan nga akong kaibigan na namamangha sa akin dahil kabisado ko ang mga pangalan ng halos lahat na newscasters at reporters.

Marami na rin akong nasaksihang mga TV reporters na dumating at umalis sa news. Yung iba ay nag-iba ng direksiyon.  At yung iba naman ay nanatili na lang sa likod ng camera.  Kamakailan ay may napanood akong dokumentaryo.  Ang unang linya ng reporter ay “Gusto ko na mag-resign.” At sinundan iyon ng mga paglalarawan kung gaano kahirap ang pinagdadaanan nila upang kumalap ng istorya.  Ngunit sa dulo ng dokumentaryo, binawi nya ang kanyang sinabi.  At iyon ay dahil sa aral na natutunan nya mula mismo doon sa istorya na kanyang nakalap.

Minsan nasasabi ko rin ito sa aking sarili. “Gusto ko na mag-resign.”  Ang kaibahan lang ay hindi ko pa eto binabawi.  Para sa bagong balita … nag-uulat.

Posted by jong at 11:12 PM | permalink | Add comment

trek-o-logy

Saturday, October 16, 2010

Pasado alas tres ng hapon nang una kong narinig ang iyong pag-iyak.  Isang pag-iyak na nagpabago ng aking pananaw sa buhay.  Bagong buhay na dumating sa aming buhay.

Makalipas ang ilang oras, nasilayan kita mula sa bintana ng nursery.  Isang malinis na salamin ang namamagitan sa atin.  Mapula ang iyong balat.  Mabilog ang iyong  pisngi.  Nakapikit ang iyong mga mata at mahimbing na natutulog.  Bahagya kang gumalaw at unti-unting dumilat ng akmang bubuhatin ka ng nurse.  Inilapit sa aking pananaw.  Ang sarap mong pagmasdan.

Nang ikatlong araw, oras na upang ikaw ay lumabas ng ospital. Naghanap ako ng taxi para maghatid sa atin pauwi. Hindi ko nais na maranasan mo agad ang polusyon sa labas. Ang init ng panahon o ang hamog ng ulan.

Sa iyong silid tulugan, nakahanda na lahat ng kailangan mo sa mga darating na araw.  Diapers, gatas, lampin, damit at kung anu-ano pa.  Ilang araw lang ay ubos mo na agad ang isang dosenang diapers at malaking lata ng gatas.  Mabigat sa bulsa pero walang katumbas na halaga ang pagsulyap sa iyong malusog na kondisyon.

Sa paglipas ng panahon ay binantayan ko ang lahat ng “una” sa iyong buhay. Ang una mong ngiti. Ang una mong pagligo. Ang unang putol ng iyong kuko. Ang unang paggapang. Ang unang pagtayo. At ang una mong paghakbang.

Sa bawat buwan ng iyong kaarawan, lagi akong nagpapasalamat. Kalakip ng pagpapasalamat ay ang buwanang paghanda ng cake at ice cream. Kailangan ka ring ihanda sa iyong buwanang pagbisita sa pedia. Isang kalbarayo sa iyo ang bawat turok ng karayom. Subalit kailangang tiisin para sa iyong habang-buhay na kalusugan.

Sa una mong pagkain ng solid food, sobra akong na-excite.  Gerber apple ang iyong all-time favorite.  Kaya naman halos ubusin ko na lahat ng stocks sa grocery para lang patuloy ka mag-enjoy.  Nang lumaon naman ay nakasawaan mo eto at sumubok ka ng iba pang tsibog tulad ng itlog, noodles at kung ano-ano pa.

Lubos na pinaghandaan ang iyong unang kaarawan. Tulad ng iyong binyag noong ikaw ay nasa ikatlong buwan, ako rin ang nagdesign ng iyong invitation card. Syempre, sa Jollibee tayo nag-celebrate. Takot ka pa noon kay Jollibee. Natutuwa ka sa kanya kung siya ay malayo. Ngunit sa tuwing sya ay lumalapit, napapalitan ng takot ang iyong mga halakhak.

Kasabay ng una mong kaarawan, dumaan  tayo sa barberya para sa iyong kauna-unahang pagpapagupit. Superstitious belief na dapat matalino daw ang unang gugupit sa bata. Kaya ako muna ang gumupit sa ilang hibla ng iyong buhok. Ehem. Ang lakas ng iyong iyak dahil siguro sa tunog ng gunting. Kaya hinayaan kitang nakayakap sa akin habang ingat na ingat sa paggupit ang barbero.

Lumipas ang mga taon hanggang sa ikaw ay unang pumasok sa school. Lumiban pa ako sa trabaho para lang makasama sa paghatid sa iyong silid-aralan. Sobra akong proud na makita kang naka-uniform at very smart na nakikisalamuha sa mga kaklase at sa iyong cute na dalagang teacher.

Mula noon, nasaksihan ko ang pagbabago sa iyong mga kaalaman. Minsan nagugulat ako sa mga bagay-bagay na iyong nalalaman. Mula sa A-B-C at 1-2-3 hanggang sa computer at psychology. 

Ngayon ay walong taon ka na. Patuloy pa rin ang buhay. Patuloy pa rin kitang aalagaan. Patuloy pa rin kitang gagabayan.

Posted by jong at 9:34 PM | permalink | comments[6]

salamat salamat

Sunday, October 10, 2010

Tungkol sa pagpapasalamat ang homily ng misa ngayong araw ng linggo.  Ayon sa aming parish priest, dapat lang na ipagpasalamat natin ang lahat ng bagay na dumarating at nangyayari sa ating buhay.  Kahit na at lalo na yung mga simpleng bagay.

Dapat nating ipagpasalamat ang mga simpleng bagay tulad ng pag-gising sa umaga na indikasyong buhay ka pa.  Mga simpleng bagay tulad ng almusal na inihanda ng iyong asawa o ina.  Simpleng bagay na may sapat na tubig para makaligo ka.  Simpleng bagay na may damit ka na malinis at bagong plantsa.  Simpleng bagay na may baon ka sa iyong pagpasok sa eskwela o opisina. 

Laking pasalamat ko naman dahil hindi binigkas ng aming kura paroko ang mga salitang “ tanga” at “bobo”.  May ilang misa kasi na halos gusto kong tumayo at dalhin palabas ng simbahan ang lahat ng batang nakikinig tuwing binibigkas nya ang mga salitang ito.  Hindi magandang halimbawa at may malaking posibilidad na gayahin o bigkasin din ng mga bata.  Natapos ang homily ngunit hindi ko narinig ang mga ganung salita kanina.  Salamat talaga.

 Sa mga nagbasa at patuloy na bumibisita dito, maraming salamat din.

Posted by jong at 2:10 PM | permalink | Add comment

balik bahay

Saturday, October 9, 2010

Halos dalampung buwan ko ring iniwan ang blog na ito dahil sa pagkakataon na lumipat sa isang bayarang domain na akma sa gusto kong pangalan. Ilang buwan mula ngayon ay mag-i-expire na ang kontrata ko kaya’t nagpasya akong huwag nang ituloy ang pagbabayad sa jongoloids.com.

Kaya eto ako ngayon at nagbabalik sa dati kong tahanan.  Dito naman talaga ako unang nagsimula.  Dito ako unang nag-blog.  Dito rin ako unang nakilala bilang blogger.  At dito rin ako nagkaroon ng mga kaibigang blogger.

Nagsimula akong mag-blog noong 2006.  Marami nang nagbago mula noon.  Marami na ring blogger ang tumigil mag-blog.  Dahil siguro sa pagsulpot ng mga micro-blogging site sa pangunguna ng Facebook.  Mas madali nga namang magsulat ng one-liner updates kesa sumulat ng mahabang kwento.  Pero sa aking pananaw, iba pa rin ang nabibigay na satisfaction ng pagsusulat ng mas mahabang kwentuhan, impormasyon at idolohiya.

Ngayon sa aking pagbabalik, sisiikapin kong ipagpatuloy ang dating gawi.  Bagama’t ngayon ay mas trip ko ang gumamit ng sariling wika. Mas simpleng salita.  Siguro, minsan may magsusulputang English pero hindi na sobrang nose-bleed.

Maraming salamat sa mga patuloy na sumusubaybay.  Tuloy ang ligaya.

Posted by jong at 9:01 PM | permalink | Add comment

Sponsored Links

Footprints