jong.i.ph

trek-o-logy

Saturday, October 16, 2010

Pasado alas tres ng hapon nang una kong narinig ang iyong pag-iyak.  Isang pag-iyak na nagpabago ng aking pananaw sa buhay.  Bagong buhay na dumating sa aming buhay.

Makalipas ang ilang oras, nasilayan kita mula sa bintana ng nursery.  Isang malinis na salamin ang namamagitan sa atin.  Mapula ang iyong balat.  Mabilog ang iyong  pisngi.  Nakapikit ang iyong mga mata at mahimbing na natutulog.  Bahagya kang gumalaw at unti-unting dumilat ng akmang bubuhatin ka ng nurse.  Inilapit sa aking pananaw.  Ang sarap mong pagmasdan.

Nang ikatlong araw, oras na upang ikaw ay lumabas ng ospital. Naghanap ako ng taxi para maghatid sa atin pauwi. Hindi ko nais na maranasan mo agad ang polusyon sa labas. Ang init ng panahon o ang hamog ng ulan.

Sa iyong silid tulugan, nakahanda na lahat ng kailangan mo sa mga darating na araw.  Diapers, gatas, lampin, damit at kung anu-ano pa.  Ilang araw lang ay ubos mo na agad ang isang dosenang diapers at malaking lata ng gatas.  Mabigat sa bulsa pero walang katumbas na halaga ang pagsulyap sa iyong malusog na kondisyon.

Sa paglipas ng panahon ay binantayan ko ang lahat ng “una” sa iyong buhay. Ang una mong ngiti. Ang una mong pagligo. Ang unang putol ng iyong kuko. Ang unang paggapang. Ang unang pagtayo. At ang una mong paghakbang.

Sa bawat buwan ng iyong kaarawan, lagi akong nagpapasalamat. Kalakip ng pagpapasalamat ay ang buwanang paghanda ng cake at ice cream. Kailangan ka ring ihanda sa iyong buwanang pagbisita sa pedia. Isang kalbarayo sa iyo ang bawat turok ng karayom. Subalit kailangang tiisin para sa iyong habang-buhay na kalusugan.

Sa una mong pagkain ng solid food, sobra akong na-excite.  Gerber apple ang iyong all-time favorite.  Kaya naman halos ubusin ko na lahat ng stocks sa grocery para lang patuloy ka mag-enjoy.  Nang lumaon naman ay nakasawaan mo eto at sumubok ka ng iba pang tsibog tulad ng itlog, noodles at kung ano-ano pa.

Lubos na pinaghandaan ang iyong unang kaarawan. Tulad ng iyong binyag noong ikaw ay nasa ikatlong buwan, ako rin ang nagdesign ng iyong invitation card. Syempre, sa Jollibee tayo nag-celebrate. Takot ka pa noon kay Jollibee. Natutuwa ka sa kanya kung siya ay malayo. Ngunit sa tuwing sya ay lumalapit, napapalitan ng takot ang iyong mga halakhak.

Kasabay ng una mong kaarawan, dumaan  tayo sa barberya para sa iyong kauna-unahang pagpapagupit. Superstitious belief na dapat matalino daw ang unang gugupit sa bata. Kaya ako muna ang gumupit sa ilang hibla ng iyong buhok. Ehem. Ang lakas ng iyong iyak dahil siguro sa tunog ng gunting. Kaya hinayaan kitang nakayakap sa akin habang ingat na ingat sa paggupit ang barbero.

Lumipas ang mga taon hanggang sa ikaw ay unang pumasok sa school. Lumiban pa ako sa trabaho para lang makasama sa paghatid sa iyong silid-aralan. Sobra akong proud na makita kang naka-uniform at very smart na nakikisalamuha sa mga kaklase at sa iyong cute na dalagang teacher.

Mula noon, nasaksihan ko ang pagbabago sa iyong mga kaalaman. Minsan nagugulat ako sa mga bagay-bagay na iyong nalalaman. Mula sa A-B-C at 1-2-3 hanggang sa computer at psychology. 

Ngayon ay walong taon ka na. Patuloy pa rin ang buhay. Patuloy pa rin kitang aalagaan. Patuloy pa rin kitang gagabayan.

Posted by jong at 9:34 PM | permalink

Previous Comments

nakakaiyak.. good job on trek.

Posted by jinky at October 17, 2010, 2:14 pm

salamat jinks

Posted by jong at October 17, 2010, 2:49 pm

magaling magaling! :D

Posted by jun at October 17, 2010, 4:39 pm

ako din naiyak..

Posted by Lea at November 17, 2010, 2:50 pm

ngayon ko lang nabisita ulit to. :) nice work :) ang sarap talaga magbasa ng tagalog hehe

Posted by jeremy at March 31, 2011, 10:48 pm

sa tagal na walang nag-co-comment, nakalimutan ko na kung paano mag-approve. haha! ayan at pinag-aralan ko uli. salamat sa inyong pagbisita.

Posted by jong at April 3, 2011, 7:17 pm

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment